SIKLAB Artist Talks
Opisyal nang nagwakas ang SIKLAB: Mga Dibuhò, Musika, at Makata na ginanap sa Museo De La Salle noong ika-17 ng Abril, hudyat ng pagtatapos ng tatlong buwang paglalakbay sa sining, damdamin, at katotohanan. Higit pa sa isang exhibit, nagsilbi itong isang makapangyarihang espasyo kung saan nagsanib ang visual arts, poetry, at music upang ilahad ang sari-saring mukha ng karanasang pantao.
Sa pamamagitan ng kolaborasyon ng Alitaptap Recreational Hub at Cavite Creative Community, nabigyang-buhay ang isang kolektibong adhikain: ang mailapit ang sining sa komunidad bilang salamin ng panloob at panlipunang katotohanan. Ang bawat likha ay naging daluyan ng personal na salaysay ng mga alaala, damdamin, at karanasang hinubog ng kani-kanilang konteksto.
Bilang bahagi ng pormal na pagsasara ng exhibit, isinagawa ang SIKLAB: Artist Talk na pinangunahan ng mga tampok na artist na sina Dennis delos Santos, Melbourne Aquino, Alvin Cristobal, at Adrian Jay Manuel. Sa kanilang pagbabahagi, mas naunawaan ng mga tagapakinig ang mga intensyon, inspirasyon, at mga katotohanang nagsilbing apoy sa likod ng bawat piyesa ng kanilang akda.
Sa loob ng tatlong buwan, inimbitahan ng Siklab ang mga tao, hindi lamang para tignan, kundi makiramdam, harapin ang mga katotohanang hindi nasasambit, upang hanapin ang sarili sa sining at sa ating pagkatao. Bawat likha ay nagbibigay-liwanag sa mga kwentong maaaring nakatago, tahimik, o hindi pa napapangalanan.
Mahalagang kilalanin ang ganitong uri ng exhibit bilang bahagi ng patuloy na paghubog ng ating kamalayan sa ating kultura. Ipinapakita ng Siklab na ang sining ay hindi lamang produkto ng malikhaing expresyon, kundi isang buhay na tala ng ating kolektibong alaala at paninindigan bilang komunidad. Sa ganitong diwa, ang museo ay hindi lamang isang espasyo ng pagtingin at bodega ng mga antigong kagamitan—isa itong larangan ng pakikipagdayalogo sa ating sarili, sa ating kapwa, at sa ating lipunan. Gaya ng ibinahagi ni Mr. Alvin Cristobal, “Ang katotohanan ay laging nagsisimula sa loob o sa sarili.” Isa itong paalala na ang bawat anyo ng sining ay nagsisimula sa atin. Sa sandaling ang sining ay maibahagi sa iba, ito ay nagiging makabuluhan.
Naupos man ang ningas ng eksibisyong ito, ang apoy ng Siklab ay hindi naglalaho. Magpapatuloy ang bawat alab ng alaala, diskurso, at inspirasyong pinangningas nito sa mga dumaan at nakibahagi. Ang Siklab ay isang paanyaya na magpatuloy sa paghahanap, paglikha, at pagpapahayag ng mga katotohanang nag-aalab sa ating puso at sa puso ng bawat isa.
