
ANGIE CHUI
Tuwing umaga sa aking paggising, Punung-puno ng gulo ang aking isipan.
Problema sa bahay, sa eskwela, sa kaibigan. Kapos sa pera, kapos sa panahon, Palaging walang gana, palaging pagod ang puso’t katawan.
Bakit nga ba ako narito? Kung ang mundo ko’y laging magulo, laging mag-isa. Bakit kailangang bumangon pa? Kung bawat pagdilat, problema ang sumasalubong sa mata.
Parang paulit-ulit na eksena, Walang cut, walang take two, walang pahinga. Laging tanong sa sarili— “Sino ka?”
Sa gitna ng ingay, sa gitna ng dilim, May halaga ba ako sa mundong ito? Pero teka, kailangan ko munang huminga. Paano ko hahanapin ang sarili ng hindi dinidiktahn ng iba?
Sa katahimikan, mararamdaman ang pagmamahal ng iba, ang ngiting dulot ng liwanag, ang sayang dala ng bawat ulan.
Nasa akin pala ang kasagutan ng aking mga katanungan. Nasa akin ang lakas para bumangon sa kalugmukan. Sa bawat paghinga, may pag-asa. Kailangan kong unawaing ako ay mahalaga.
Hindi dahil sa sinasabi ng iba, Kundi dahil ako’y buhay, ako’y naririto, Ako’y may kwento, may laban, may halaga.