Bilang pagdiriwang ng Pambansang mga Araw ng Bandila mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, nakikiisa ang pamayanang De La Salle Dasmariñas sa paggunita ng mga makasaysayang kaganapan sa pagpapalaya sa ating bayan sa pangunguna ng DLSU-D Cultural Heritage Committee.
SA PAMAYANANG DLSU-D:
Makasaysayang Pagbati!
Sa ngalan ng DLSU-D Cultural Heritage Committee, nais po naming ipaalala ang kahalagahan ng mga araw magmula ngayong 28 Mayo – 12 Hunyo sa kasaysayan ng ating pagpapalaya bilang isang bansa. Makahulugan at malalim ang pinag-uugatan ng petsang 28 Mayo 1898 sapagkat sa araw na ito, naganap ang dalawang natatanging kaganapan sa ating kasaysayan – ang matagumpay na Labanan sa Alapan, Imus at ang unang pagwawagayway ng pambansang watawat sa Teatro Caviteño sa pangunguna ng Pangulong Emilio Famy Aguinaldo. Nang araw na iyon, isang puwersang Espanyol na kinabibilangan ng 270 mga kawal ang dumagsa sa Alapan upang kumpiskahin ang mga armas na ibinagsak sa baryo para sa mga hukbong Pilipino. Nagkaisa ang mga Pilipinong manghihimagsik sa Alapan upang pigilan ang puwersang Espanyol. Masidhi ang labanang naganap mula ika-10:00 n.u. – ika-3:00 n.h. na sa kalauna’y pinagwagian ng mga Pilipino. Sa gitna ng mga sigaw ng “Viva la independencia!” at “Mabuhay!,” sinamantala ng Pangulong Aguinaldo ang tinawag niyang “maluwalhating pagkakataon” upang iwagayway mula sa kanyang himpilan ang bandilang tinahi ni Marcela Agoncillo sa Hong Kong.
Ang Labanan sa Alapan noong 28 Mayo 1898 ang nagsilbing “pambungad ng mga sunud-sunod na tagumpay” ng ikalawang yugto ng himagsikang Pilipino laban sa Espanya. Tanging layunin ng himagsikang ito ang tapusin ang 300 taong paghihirap ng sambayanan sa ilalim ng kolonyal na pananakop. Ang tagumpay ng Alapan at ang unang pagwagayway ng watawat ay sumasagisag di-lamang sa pagbawi ng ating kalayaan kundi sa paghubog ng isang bansang nagkakaisa at may parehong pinagmulan. Ito ang dahilan kung bakit naiakda ang Batas Republika Blg. 8491 at Atas Ehekutibo Blg. 179 na nag-uutos na dapat igalang ng bawat mamamayang Pilipino ang bandila ng Pilipinas at iladlad ito sa lahat ng pampublikong lugar at mga institusyong pang-edukasyon mula 28 Mayo – 12 Hunyo dahil ang watawat ay sumasagisag sa dalisay na prinsipyo at buhay ng mga Pilipinong nagkaisa upang ipaglaban ang kalayaan at kasarinlan ng Inang Pilipinas.
Bilang mga Lasalyanong maka-Diyos at makabayan, panatilihin nating buhay ang diwa ng Labanan sa Alapan at ng Araw ng Watawat. Ating ipagpatuloy ang laban ng nakararaming Pilipino tungo sa maginhawa at makabuluhang buhay na siyang hinangad at ipinaglaban ng ating mga dakilang ninuno. Patnubayan at pagpalain tayong lahat ng Diyos Maykapal sa dakilang layunin ng ating pagka-Pilipino anumang gawain at departamento tayo kabilang.
Maligayang pagdiriwang ng “Pambansang mga Araw ng Bandila!”
Mabuhay!
DLSU-D Cultural Heritage Committee