
Diwa’t Gunita sa Buwan ng mga Guro:
Alay sa mga Gurong Lasalyano
ni Christian George Francisco
Tuwing kailan ka inaalala?
Tuwing kailan ka may halaga?
Tuwing kailan ka dinadakila?
Tuwing kailan masasabing sapat ka?
Walang hanggan ang alaala
Lantaran o sa karimlan man ito ay munting paalala
Isa, dalawa, o higit pa sa tatlong dekada
Ikinararangal ka ng eskuwela.
Walang hanggan ang pagpapahalaga
Sa husay at malasakit na iyong ipinakikita
May mga hamon mang kinakabaka
Nilayag mo ito na kami’y iyong kasama.
Walang hanggan ang pagdakila
Sa ambag mong busilak pa sa kusa
Sinagwan mong mga utak ay ginugunita
Ngayo’y tinatanghal at hitik sa bunga.
Gurong Lasalyano, higit ka pa sa sapat
Iniluwal ka mang payak subalit pinanday na maging tapat
Ika’y inaalala! Ika’y mahalaga! Ika’y dinadakila!
Ika’y haligi at espasyong sapat.
MALIGAYANG BUWAN NG MGA GURO!
Mensaheng tula mula sa Tanggapan ng Provost para sa mga guro ng Pamantasang De La Salle-Dasmarinas sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro sa taong 2025.